A review by theengineerisreading
56 by Bob Ong

5.0

Preach.

H'wag kang masyadong nega o tamad at simulan mo nang basahin ang pinakabagong libro ni Bob Ong (kahit inabot din ako ng halos isang taon bago nabuklat ang aking kopya,) dahil ang aklat na ito (oo, 56) ang magpapamulat sa 'woke' pero nagbubulag-bulagang mata ng bawat Pilipino (kabilang na ako.)

Masyadong mahaba kung sasabihin ko ang bawat aspeto ng aklat na aking nagustuhan at talaga namang tumatak sa aking isipan. Pero oo, ang aklat na itong may lasang self-help ang literal na tutulong sa ating mga sarili para malaman at matutunan ang mga nangyari, nangyayari, at mga maaari pang mangyari sa buhay mo, sa buhay ko, sa buhay natin.

Ayon sa pabalat ng aklat, ang 56 ay ang librong pangmatanda para sa mga bata o ang official manual ng mga kabataang Pilipino o mga kwentong awkward para sa henerasyong awkward. Hitik ang 56 sa mga kwentong Bob Ong na naglalaman ng mga sanaysay mula sa kanyang buhay, karanasan, obserbasyon, o pananaliksik na talaga namang informative, entertaining, at minsan sa madalas, satirical. 56 ang librong dapat gawing required reading sa high school.

Kahit na kalimitan ay may mga punchline na bigla ka na lang mapapangisi kahit na mag-isa ka lang naman sa kwarto o siksikan kayo sa bus, marami talagang mapupulot na aral sa librong ito. Pinakagusto ko ang social media etiquette at ang epekto ng social media sa henerasyong ito. Swak na swak ang pagkakabato ng bawat pangungusap sa kabanata kaya naman magalit na ang matatamaan ng bato-bato mula sa langit pero legit, napakaraming troll at kahit mga kilalang tao na dumepende sa false dichotomy o ad hominem o sweeping generalization pagdating sa keyboard war.

Napaka-insightful din ng mga payo, paalala, babala, at rekomendasyon ni Bob pagdating sa simpleng crush at mga Pokémon at pagsapit sa legal na gulang hanggang sa pag-aasawa at pagkakaroon ng anak at pagtanda. Magiging nostalgic pihado kapag babasahin ko ito mga dalawang dekada mula ngayon at titingnan kung ano na ang nagbago sa akin at kung may pinakinggan man lang ba ako sa nga parinig ng librong ito.

At syempre, gusto ko rin 'yung matalinong paglalahad ng mga lokal at internasyonal na suliraning kinakaharap ng mundo ngayon. Mula sa di-mahapayang Marcos-Aquino feud at korapsyon sa Pilipinas hanggang sa climate change at plastic usage at territory wars, mapupuno at mag-uumapaw ang iyong utak sa mga impormasyon maaaring ngayon mo lang malaman o ngayong mas naging malinaw. Pero syempre, hindi sapat ang paglalatag lang ng problema kung wala namang inihahaing mungkahi o solusyon. Gustong-gusto ko 'yung mga ganito, 'yung hindi lang basta nagtuturo ng daliri sa kung sino dapat sisihin bagkus bukas palad na iniaabot ang kamay para tumulong sa paglutas ng problema.

RATING: Limang nangangalit na Boy Regla