A review by billy_ibarra
Kung Daratnan Pa Kitang Naghihintay by Joi Barrios

lighthearted medium-paced

4.5

Tila dula ng pag-ibig na ang tauhan ang nagsulat at nagdirek---ganito ko isasalarawan itong nobela ng romansa ni Joi Barrios.

Pitong taong hindi umuwi ng probinsiya si Lisa, iniwan ang pamilya at hiniwalayan ang kasintahang si Tony, at nakipagsapalaran sa Maynila matapos makapag-aral upang i-pursue ang kaniyang passion sa teatro bilang manunulat, at kalauna'y direktor. Sa imbitasyon ng paaralan niya na magdirek ng isang dula, umuwi si Lisa bilang pagpapaunlak dito. Umuwi rin siya upang ayusin ang relasyon sa kaniyang amang paralitiko at pati na rin ang naputol nilang pag-iibigan ni Tony.

Hindi lang umiikot sa romansa ang nobela. Umiikot din ito sa aktibismo ni Lisa noong nag-aaral pa siya ng kolehiyo at ang konserbatibong kaisipan ni Tony. Pinalitaw rin ni Joi Barrios sa nobela---sa dula ni Lisa---ang matagal nang problema ng mga Ita (Aeta) sa kanilang lupang ninuno---ang pagpapalayas sa kanila ng mga multinasyonal na kompanya. Ang lalong nagpatingkad sa nobela ay ang pagpapalitaw rito ng mga aral tungkol sa dula at teatro, na siyang iniinugan ng tauhan. Bagama't maikli ang nobela na 101 pahina lamang, naihanay nito nang maayos ang maraming mensahe na higit sa pagiging isang nobela ng romansa sa kaniyang panahon.