A review by billy_ibarra
Sa yakap ng gubat at dagat ng Palawan: mga ekosanaysay by John Iremil E. Teodoro

informative medium-paced

3.5

Mga ekosanaysay na isinulat sa mga huling taon bago pumasok ang bagong milenyo. Tinatalakay ng mga sanaysay ang pangangalaga sa kalikasan at ang pagpreserba sa kultura ng mga katutubo---dalawang bagay na hindi mapaghihiwalay. Naipakita ng imahen sa mga sanaysay ang likas na ganda ng Palawan at ang mayamang kalikasan nito.

May mga problema nang kinahaharap noon ang Palawan sa pagkasira ng kalikasan. Nariyan ang mga lokal na negosyante na karamihan pa nga ay pinoprotektahan ng mga alagad ng batas at madalas, mga lokal na politiko rin ang mga negosyanteng ito. Kung titingnan, walang nagbago sa ganitong bulok na sistema. Hanggang ngayo'y ganito pa rin ang kalakaran hindi lang sa Palawan kundi pati na rin sa buong bansa, sa kabila ng dami ng kilusang nagsusulong ng pangangalaga ng kalikasan.

Kung ipababasa ito sa tubong Palawan, hindi na niya siguro makikilala pa ang Palawan sa mga sanaysay, maliban na lang kung naabutan niya ang Palawan na ito. Marami nang nagbago magmula nang isulat ni Teodoro ang kaniyang mga ekosanaysay ngunit gayunpaman, iisa naman ang tunguhin ng mga ito---pangalagaan ang kalikasan hindi lang ng Palawan kundi ng buong kapuluan.

Hindi pa nababanggit sa panahong ito ang banta ng pang-aagaw ng teritoryo ng China, o marahil nasa ibang sanaysay, hindi natin alam. Ngayon, hindi na lamang banta ang panghihimasok ng China sa ating karagatan, nangyayari na ito. At malaking sanhi ng pagkasira ng yamang-dagat ang ginagawang reklamasyon ng bansang ito sa pagkasira ng karagatan. Sa ibang usapin, patuloy pa rin ang pangangamkam ng lupang ninuno, nagsidami ang mga resort na pag-aari ng mga lokal at dayuhang negosyante---lalong nasisira ang likas na ganda ng Palawan. May isang proyekto pa nga nito lang na binalak gumawa ng Bikini Bottom sa Coron, mabuti na lamang at hindi natuloy dahil sa sama-samang pagtutol ng mga Palaweño at iba't ibang grupo. 

Kung may maiiwang bisa ang mga ekosanaysay ni Teodoro sa panahon ngayon, 'yun ay ang patuloy na pagpapanatili ng nakilalang Palawan sa kabila ng modernisasyon upang hindi na lang ito maging isang alaala sa paglipas ng marami pang taon.