A review by billy_ibarra
Daluyong-Bagyo by Ret Bayolet

informative reflective fast-paced

3.75

Hindi ko na maalala kung kailan ko unang nakita si Ret, basta ang naaalala ko lang, madalas niya kaming imbitahing tumula sa mga event, isa na roon ang event ng COURAGE para sa pagpapalaya ng mga bilanggong politikal na miyembro nila. At ngayon, masaya akong mabasa ang kaniyang mga akda. 

Binubuo ang zine ng isang maikling kuwento at tatlong tula. Nagustuhan ko ang kuwento niyang "Daluyong-Bagyo". Tungkol ito sa pagmamahal ng isang ama sa kaniyang pamilya, sa pagtindig sa tahanang alam niyang kanila at hindi sa kung sinong land grabber, at sa kaniyang pagmamahal sa kaniyang nag-iisang anak na babae. Tunay ang pangyayaring pinaghanguan ng kuwento---tunay ang Pangarap Village, ang kamatayan ng mga tumitindig, ang pangangamkam ng lupa at demolisyon, ang mga goons ng kung sinong kapitalista at ang kanilang karahasan, ang laban ng masa para sa karapatan sa pananahanan. Tunay rin may araw din ang mga mapagsamantala. 

Makikita naman sa tatlong tula ang iba pang mukha ng pakikibaka. Sa tulang "Tuwing Nobyemre, Matatanaw ang Balatik Bago Mag-alas-otso", magkaparehong landas ang tinahak ng dalawang persona ngunit magkaiba ang kanilang tinahak na ruta. Bagama't magkabilaan ang daan, alam nilang magtatagpo sila sa isang banda. Sa "Ugat at Pakpak ni Goethe", ipinaliwanag naman ng tula ang sinabi ng Aleman na manunulat tungkol sa ugat at pakpak---dalawang bagay na dapat ibigay ng magulang sa anak. Tungkol naman sa banta ng reklamasyon sa lawa ng Laguna ang tulang "Bangkang Walang Katig". Natalakay rin dito ang child labor na nangyayari dahil sa hirap ng buhay ngunit dahil sa reklamasyon, nanganganib mawalan ng hanap-buhay ang bata. Nailigtas ba siya ng reklamasyon sa paghahanap-buhay sa murang gulang o maghahanap lang siya ng ibang pagkakakitaan? 

Sa danas ni Ret sa pakikibaka, makikitang alam na alam at kilalang-kilala niya ang kaniyang panulat. At alam niya kung para kanino dapat gamitin ang kaniyang panulat.