A review by billy_ibarra
Pahingi ng Konting Pagtingin by Lualhati Bautista

fast-paced

4.0

Iba talaga ang dating ng mga akda ni Ma'am Lualhati Bautista, kahit sa nobela ng romansa. Siyempre ang unang aasahan mo, kuwento ng romansa lang ito. Pero hindi. Laging siksik ang kaniyang mga akda.

Tungkol ang nobelang ito kay Malou, sa kaniyang ex-husband na si Ismael, sa kanilang anak na si Willy, at sa kapatid ni Malou na si Fredo. Maraming conflict ang nobela: una, ang paghihiwalay nina Malou at Ismael; pangalawa, ang hindi magandang relasyon ng magkapatid na Malou at Fredo na magsasanhi ng sanga-sanga pang mga problema; pangatlo, si Willy at ang relasyon nito sa kaniyang mga magulang (kinse anyos na si Willy, limang taon siya nang maghiwalay ang mga magulang); pang-apat, ang mga lalaking nakarelasyon ni Malou matapos nilang maghiwalay ni Ismael; at panghuli, ang lugar na kanilang iniinugan na pinag-uugatan ng sari-saring tsismis. Hindi rin nawala sa panulat na ito ni Bautista ang kaniyang pagiging feminista na mababasa sa kaniyang karakter na si Malou. Ipinakita niya na liberated woman ito, kinayang magtaguyod ng anak nang mag-isa, kayang maging palaban. Ngunit gayunpaman, may kahinaan din ang karakter na si Malou. Hindi nakatulong sa kaniya ang pagiging mahaba ng kaniyang pasensiya o hindi niya pagsasalita ng nasasaloob; marahil para may sumabog na galit bago matapos ang kuwento kaya gano'n. 

Kontento ako sa wakas ng kuwento, sa kung paano naresolba (at hindi naresolba) ang mga conflict. May cliff-hanger sa dulo, na kung ngayon ito isinulat, malamang maghanap ako ng part 2.