A review by dherzey
Kapitan Sino by Bob Ong

3.0

[Tessa:] "Alam mo ba ang pinagkaiba ng mga bulag at ng mga nakakakita?"
[Rogelio:] "Paningin?"
[Tessa:] "Hindi alam ng mga nakakakita kung kelan sila bulag."


Sa unang tingin, ang Kapitan Sino ni Bob Ong ay mukhang isang pangkaraniwang istorya tungkol sa isang superhero -- mababaw ngunit nakakatawa. Ganito rin ang aking reaksyon, kaya naman nag-alangan akong basahin ito noong una. Tungkol ito kay Rogelio Manglicmot, ordinaryong tao sa unang pansin ngunit may tinatagong kapangyarihan. Siya si Kapitan Sino: bayani, tagapagligtas at tigasagip ng bayan. Nandito rin ang palabiro niyang kaibigan na si Bok-Bok at ang kababata nilang bulag na si Tessa. May iba pang mga karakter tulad nila Aling Precious at Aling Baby na talaga namang nagpapakulay sa istorya kapag nagpapayabangan. Pero sa lahat ng mga tauhan sa libro, isa lang talaga ang masasabi ko -- Pilipinong-pilipino sila.

Magaling ang pagkakalarawan ni Bob Ong sa kanyang mga tauhan at sa bayan mismo ng Pelaez. Totoo ang kanyang mga karakter, relatable at madaling unawain. Nakakatawa rin ang kanilang pag-uusap, banat at interaksyon sa isa't isa. Lahat may papel na ginagampanan. Lahat may kung anong sinisimbolo mula sa sariling bayan. Meron din ditong mga corrupt na politiko at mga tsismosang kapitbahay na mahilig sa karaoke. Nakakatuwa lang dahil piling ko isang silip ko lang sa bintana, nakikita ko na ang binabanggit sa libro.

"Si Anghela ang part-time manicurista ng bayan, full-time tsismosa...Paboritong kabalitaan ni Aling Precious habang ino-overhaul nito ang mga kuko nya. Kung sa Bibliya, ang mga anghel ang mensahero ng Diyos, sa Pelaez meron silang ibang sideline."


Gusto ko rin ang setting ng libro, mga 1980s sa Pilipinas. Nakaka-engganyo ang pagsulat dahil madali itong basahin, tipikal na Bob Ong style. Pero ang tunay na tumatak sa akin talaga ay magaan man ang pagkakasulat sa istorya, ngunit kung talagang huhukayin, may halo itong lalim. Oo, may depth ang mga tauhan, ang kwento at mensahe. Hindi man talaga pinagkatuunan ng pansin in a critical, in-depth manner, pero nandun. Makikita sa mga komplikasyon ni Rogelio sa pagitan ng kanyang sarili at sa kanyang tungkulin, sa mga pagkakataong nasayang at di nasabing damdamin noong isang malamig na gabi, sa pag-iisip at kalungkutan ng "halimaw", sa pagkawala ng moral sa gitna ng kagipitan at yung sa simpleng bittersweet na pagtatapos. Lahat may mas malalim na dahilan, motibasyon at kahalagahan kung susuriin. At ang kwento? Simple, entertaining pero may kakaibang dating.

"Ang trahedya ng buhay ko? Hindi ako nagkaroon ng kapangyarihan na makapagsabi ng tamang bagay sa tamang tao sa tamang panahon."


Ang tanging angal ko ay medyo far-fetch ang nangyari sa huli
Spoileryung virus at ang kagamutan sa dugo ni Rogelio
. Medyo magulo at mabilis. Sana lang naging mas mahaba pa ito para mas na-develop ang tauhan at plot ng istorya pero okay lang din, nadaplisan rin naman ito ng saya at lungkot sa pagwawakas ng isang mumunti ngunit nadamang kwento.