A review by billy_ibarra
Kung Maaaring Lumutang by Christian Jozel Ason

reflective fast-paced

4.0

Nabasa ko na ang ilan sa mga tulang nasa aklat na ito ni Ason pero parang unang beses ko uli itong nabasa. Para sa unang koleksiyon ng mga tula, may husay niya itong inihain sa mga mambabasang naniniwala sa kaniya. Isa ako sa nag-abang sa aklat na ito ni Ason---hindi lang bilang isang kaibigan kundi dahil sa naniniwala akong may ibubuga siya.

Tumatak sa akin ang mga tula ni Ason tungkol sa pananampalataya---siguro dahil sa lahat tayo'y makasalanan. Lagi nating kinukuwestiyon kung ano ba ang mabuti at ano ba ang masama, kung tayo ba'y tunay na mananampalataya ng Panginoon. May mga tanong na lagi nating hinahanapan ng kasagutan, na marahil talagang langit lang ang makasasagot. Kapansin-pansin din ang mga tula tungkol sa pamamaalam, sa mga lumisan. Sa kaso ng mga tulang ito ni Ason, naghahalo ang lungkot at ligaya sa tuwing naaalala ang mga bagay na wala na. Sa mga tula naman ng pag-ibig na nasa aklat, may naghahanap ng nabibiling pag-ibig, may hindi pa rin maka-move on, may patuloy pa ring nagmamahal kahit gaano kasakit, at may pinipili palagi ang pag-ibig. At sa isa pang bahagi, tinatalakay ang mga tula tungkol sa extra-judicial killings na marahil naisulat pa ni Ason noong kampanya gera kontra droga ng hayok sa dugong presidente. Naipakita rin ang tuloy-tuloy na pakikibaka ng sambayan upang makamit ang panlipunang hustisya na nais nating makamtan.

Sa paunang salita ni Sir Niles Jordan D. Breis, iklinasipika niya ang aklat bilang isang halimbawa ng "juvenilla." Sang-ayon ako sa sinabi niya na tatalas pa lalo ang panulat ni Ason habang umiiral ang kaniyang edad sa pamamagitan ng patuloy na pagdanas. Baka sa susunod, hindi na lang tula ang akdang pampanitikan na ihain niya. Sana mas lumawak pa ang mambabasa ni Ason.