A review by diwataluna
It's a Mens World by Bebang Siy

4.0

Naghahanap ka ba ng babaeng version ni Bob Ong? Puwes, hindi ito ang aklat para sa'yo.

Una kong nakilala si Bb. Bebang Siy noong undergrad pa ako. Akala ko din noon, yung ang pseudonym nya dahil patok na patok si Bob Ong non. Yun ang tinatawag kong "Curse of Bob Ong." Sa panitikang Pilipino, sa genre ng kakatwang sanaysay, sinumang manunulat ang malimbag matapos kay Bob Ong, madalas sa hindi ay makukumpara... at matatalo. Ngunit ang aklat ng mga sanaysay ni Bb. Bebang ay HINDI DAPAT ikumpara at makukumpara.

Ang "It's a mens world" ay koleksyon ng mga personal essays ni Bb. Bebang sa mga nakaraang taon. Karamihan sa mga ito ay pagbabalik-tanaw sa kanyang pagkabata at pagkadalaga. Sa unang dinig, akala mo wrong grammar lang yung title, pero kapag nagets mo na...

Laking Maynila si Bb. Bebang ngunit may panahon ding nanirahan siya sa probinsya. Natuwa ako habang nagbabasa dahil sa mga pagkakatulad at pagkakaiba ng aming mga karanasan. May mga binabanggit syang brands na uso at kinahuhumalingan ng mga bata noon ngunit wala na ngayon.

Humagikhik ba ako nang malakas? Hindi. Pero hindi ito isang bawas na puntos ng libro. Bawat isang sanaysay ay may dalawang mukha: ang inosenteng mukha at ang seryosong mukha. Sa likod ng mga kakatwang kwento ay may masakit na realidad, at sa dulo ng sanaysay ang biglang tama at bagsak.

HINDI DAPAT ikumpara si Bebang kay Bob Ong. Siya ay may mukha at pangalan sa isipan ng mambabasa (may mga maliit na retrato nya bilang bata). Bawat kahihiyan, kasamaan, kabutihan, kababawan na mahihinaho sa mga sanaysay nya ay babalik sa imahe nya. Bawat pangookray at pambabara sa mga kamag-anak at kaibigan ay maituturo sa kanya. Mahirap ang ganoon, nangangailangan ng katapangan at kabuuan ng loob at pagkatao. Kaya saludo ako kay Bb. Bebang.