A review by billy_ibarra
Pagkakasala at Kaparusahan by Fyodor Dostoevsky

dark slow-paced

4.5

Masalimuot ang buhay ni Raskolnikov. Matalino ngunit salat sa buhay. Naghihirap ang nanay at kapatid sa probinsiya, matitigil sa pag-aaral. Gusto niyang mapadali sa kaniya ang lahat kaya naisip niyang patayin at pagnakawan ang isang ganid na pawnbroker at sa kaniyang paniniwala, dakilang bagay ang gagawin niya at kapaki-pakinabang sa nakararami. Sa tingin niya'y mapuputol ang pananamantala ng pawnbroker. Ang hindi niya alam, uusigin siya ng kaniyang konsensiya habang siya'y nabubuhay.

Isang magandang halimbawa ang nobela upang maintindihan ang sikolohiya ng isang kriminal---kung ano ang mga salik na nagtulak kay Raskolnikov upang pumatay, at ano ang tumatakbo sa isip niya bago at pagkatapos pumatay. Habang binabasa ko ang nobela, hindi ako nakaramdam ng awa sa pinatay na pawnbroker o maging kay Raskolnikov na gumawa ng krimen. Gapatak na pagsasamantala lang ang naputol niya na naging kapalit ng kaniyang katiwasayan. Mas naawa pa ako sa mga taong nakapaligid kay Raskolnikov tulad ng kaniyang ina, ng kaniyang kapatid na si Dunya, at si Sonya na tapat na nagmahal sa kaniya hanggang sa huli. Nakagawa naman si Raskolnikov ng kabutihan sa iba sa ilang panahon at umasa pa rin ako na magbabago siya sa huli habang pinagbabayaran niya ang kaniyang pagkakasala. At 'buti pa si Raskolnikov nakonsensiya, di tulad nung mga politiko at 'yung matandang taga-Davao na ang daming pinatay na mamamayang Pilipino. Lol.

Unang nobela ito ni Dostoevsky na natapos ko. Tamad kasi akong magbasa ng mahahabang nobela. Pag sinabi kong mahaba, lampas 500 pahina. Pero sulit naman ang halos dalawang linggo kong pagbabasa nito at tiyak na babasahin ko muli si Dostoevsky.

Kahanga-hanga rin ang salin na ito mula Ruso patungo sa Filipino. Napakahirap n'on isipin ko pa lang. Tungkol naman sa pagkakasalin, para akong nagbabasa ng lumang nobelang Tagalog. Mababasa at mada-download ito nang libre sa link na nasa ibaba. Sa mga nagtatanong naman kung saan ako nakakuha ng pisikal na kopya, complimentary copy po ito at hindi ipinagbibili, ipinasa lang sa akin ng isang kaibigan.

https://sentrofilipino.upd.edu.ph/download/pagkakasala-at-kaparusahan/