A review by billy_ibarra
Ang Kanilang Mga Sugat by Genoveva Edroza Matute

reflective medium-paced

3.5

Katulad ng titulo, punumpuno ng sugat ang mga tauhan ng nobela mula sa iba't ibang kadahilanan. Nakuha ni Glo ang sugat sa kaniyang kalooban mula sa kaniyang namayapang ama na nagtapat ng dahilan ng kanilang biglaang pagyaman. Si Flor na kaniyang kababata, mula sa kaniyang mga lalaking nakarelasyon. Si Pete na pinsan ni Glo, mula sa nakaraang hindi matakasan. Si Joel, na kababata rin nina Flor at Glo, mula sa pagkabigo. At si Ed, mula sa pag-aalinlangang magtapat ng kaniyang pag-ibig. 

Bukod sa mga sugat ng bawat tauhan, isang sugatang bayan dulot ng iba't ibang natural na kalamidad ang naging tuon din ng nobela---ang masamang dulot ng logging sa kalikasan na nagdudulot ng malawakang pagbaha, ang korapsiyon ng mga namamahala, ang lupit ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo, lindol, at iba pang mga sakunang dumaan noong dekada '90. Magkagayunman, alamin mo na lang sa dulo kung naghilom ba ang mga sugat o hindi.

Maayos ang pagkakatahi ng nobela. Ang di ko lang siguro nagustuhan sa pagkakasulat nito ay ang palaging pagtatanong ng may-akda, na parang may pagkarami-raming blurb sa loob ng kuwento. At dahil si Genoveva Edroza-Matute ay isa sa mga pangunahing manunulat ng kaniyang panahon, asahang may kalumaan ang paraan ng pagkakasalaysay ng kuwento maging ang mga dayalogo rito. Kung di ka sanay sa mga hindi na gamiting salita sa kasalukuyang panahon, maghanda ka na lang ng diksiyonaryo, tiyak na yayaman ang iyong bokabularyo.