A review by billy_ibarra
Bukal ng Tubig at Apoy by Levy Balgos de la Cruz

adventurous challenging emotional hopeful informative inspiring reflective sad tense slow-paced

5.0

Binubuo ng rebolusyonaryong panitikan mula sa kalunsuran hanggang sa kanayunan. Hindi lang kathang-isip; lahat ay nagmula sa mga tunay na pangyayari. Tunay,  dahil tunay ang naging danas nina Charlie de Rosario, Liliosa Hilao, Macli-ing Dulag, Juan Escandor, Eman Lacaba, Lorena Barros, at silang mga nakatala na sa kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanan. Tunay ang rebolusyon at hindi lang ito basta nakasulat sa mga pahina ng aklat na ito.

Binubuo ang aklat ng labing-apat na maikling kuwento. May ilustrasyon din na kasama ang bawat kuwento katulad sa aklat ni Kris MontaƱez na "Kabanbanuagan: Mga Kwento ng Sonang Gerilya" (1987). 

Kalakhan ng mga kuwento ay mga danas mula sa Cordillera. Naisakasaysayan ni Ka Levy sa pamamagitan ng panitikan ang paghiwalay ni Conrado Balweg sa mga pulang mandirigma noong Abril 1986 (Chagun). Karugtong din nito ang sumunod ritong maikling kuwento na "Ang Kulto ng Isang Demagogo."  Mababanggit naman sa "Isang Walang Kamatayang Tula," na isa rin sa kuwentong nagustuhan ko, ang mga manunulat na nakipagsabwatan sa diktadurang Marcos at kung ano ang kaibahan nila sa mga tulad nina Eman Lacaba. Pero kung may kuwento mang hindi ko talaga malilimutan sa koleksiyong ito, iyon ay ang "Sa Mga Kuko ng Karimlan" na tungkol sa torture. Noong mabasa ko ito, ilang araw muna ang pinalipas ko bago basahin uli ang aklat dahil talaga namang nag-iwan ng latay sa isipan ko.

Sa pangkalahatan, ito ang pinamagandang aklat ni Ka Levy para sa akin. Marahil isang araw, babalikan ko namang basahin ang ikalawa niyang aklat na "Isang Mahabang-mahabang Paglalakbay Pauwi."