A review by billy_ibarra
Lahat ng B by Ricky Lee

medium-paced

4.5

Sequel, o mas tamang sabihing, closure ng nobelang "Para Kay B."

Samut-saring emosyon ang naramdaman ko sa pagbabasa ng aklat na ito ni Ricky Lee. Nariyang masaktan, matawa, magalit, tumaas ang balahibo, at higit sa lahat, umibig. Maraming parte sa nobela na sadyang masakit---nakaluluha pa nga kung tutuosin---ngunit lamang ang pakiramdam na masaya ang karanasan sa pagbabasa. Magaan ang pagkakasulat ng nobela at madaling intindihin, marami ding nakakatawang tagpo na makapagpapangiti sa 'yo (pagkatapos kang saktan-saktan, haha). Nasabi kong nakatataas-balahibo dahil sa mga tagpong mamamangha kang talaga. Hindi mo makikita o mahuhulaan ang magaganap, basta magbasa ka lang. Ganito ang mga gusto kong mga kuwento---nararamdaman at hindi lang  basta-basta daraan lang pagkatapos tapos na. Parang ang sakit-sakit talagang magmahal:

"Masakit dalhin ang pag-ibig na hindi naibibigay."

Pero sa ayaw at sa gusto mo, ito pa rin ang pinakamasarap na pakiramdam, katulad ng paghahalintulad ni Lucas kay Bessie at sa pagsusulat:

"Si Bessie at ang pagsusulat ay iisa, parehong may dalang sakit pero may dala ring ligaya. Parehong di niya kayang mawala." 

At sa huli, anuman ang kahinatnan ng inyong pagmamahal, mayroong mananatili, gaano man ito kasakit:

"Mga alaala . . . iyon ang meron tayo." 

Ngayong tapos na ang nobela, mami-miss ko ang mga tauhang sina Bessie at Lucas; si Irene at ang kaniyang memory bank; si Sandra, kahit nalulungkot ako para kay Ruben; si Erica at ang Maldiaga; si Ester, Sarah, at AJ (maganda ang ipinakitang tapang ni AJ rito); at ang marami pang tauhang bumubuo sa nobela. 

Ito na siguro 'yung closure na matagal ko ring hinintay. Puwede na akong mag-move on para sa susunod na nobela.