A review by billy_ibarra
Paghuhunos by Ellen L. Sicat

emotional informative lighthearted reflective medium-paced
  • Loveable characters? Yes

5.0



hú•nos

Bahagi ng Pananalita Pangngalan

Kahulugan
1. ZOOLOHIYA
Pagpapalit ng balát ng mga hayop gaya ng ahas, alupihan, hipon, alimasag, at iba pang kauri. 
2. Pagbabagong-loob.

Paglalapi
paghuhúnos, pinaghunúsan —Pangngalan
maghúnos —Pandiwa

(https://kwfdiksiyonaryo.ph/)

***

Sa edad 57 nagsimulang magsulat ang may-akdang si Ellen Sicat; ito ay noong pumanaw ang dakilang manunulat at kanyang kabiyak na si Rogelio Sicat. Semi-autobiographical ang nobela at mapapansin mo ito: CPA ang pangunahing tauhan na si Gloria at CPA rin si Ellen Sicat. Manunulat si Carlos Magdangal at manunulat din si Rogelio Sicat. Nagkaroon sila ng limang anak. Si Laya sa kuwento ay malalaman mong si Ma'am Luna. 

Napakaraming pagbabagong-loob na naganap sa loob ng nobela. Unang nagkaroon ng paghuhunos nang makilala ni Gloria si Carlos. Ligawin si Gloria ng mga kalalakihan ngunit agad niyang binabasted ang mga ito at tinatapat; kay Carlos lang siya nagkaroon ng interes. Alam n'yo na 'yon. Masaya ang naging palitan nila ng sulat at isa iyon sa nagpatingkad ng kuwento.

Ang ikalawang paghuhunos ay noong kasal na sila. Dito, mare-realize ni Gloria na hindi pala palaging Eden ang pag-ibig. Mainitin ang ulo ni Carlos at laging nakabulyaw. Ayaw ni Gloria ng gano'n dahil kailanma'y hindi gano'n sa pamilyang kinagisnan niya. Kung gaano kabilis magalit si Carlos, ganoon naman din siya kabilis suyuin si Gloria, idinadahilan ang kanyang pagiging manunulat. Lol. Idagdag pa sa paghuhunos na ito ang pagkakaroon nila ng mga anak at pagkakaroon ng problemang pinansiyal. Dahil may anak na mga hindi marunong dumede sa bote, kinailangang mag-resign palagi ni Gloria sa trabaho. Si Carlos naman ay nanatiling manunulat, at alam naman natin ang kapalit ng pagiging full-time na manunulat sa bayang ito: gutom. Iba't ibang trabaho rin ang pinasukan ni Carlos hanggang sa siya ay maging full-time professor sa Unibersidad ng Pilipinas at naging dekano pa!

Isa sa mahalagang paghuhunos na nangyari ay ang pagbabagong-loob ni Gloria sa pinuno ng bansa: si Marcos. Mapapansin sa mga unang bahagi ng nobela na maka-Marcos si Gloria, si Carlos naman ay hindi. Sa pagdaan ng panahon, makikita ni Gloria kung gaano kabulok ang sistema: kung gaano ka-korap ang gobyerno ni Marcos, nang minsang magtrabaho siya sa gobyerno. Mae-expose din sa aktibismo si Gloria dahil sa kanila naglagi ang ilang aktibista noong martial law na (propesor na nito sa UP si Carlos at si Pura na kapatid ni Gloria ay aktibo rin sa pagkilos). Sa panahong ito, hindi naman masasabing kasali si Gloria sa kanila; tinutulungan niya lang ang mga ito at tinatanggap sa kanilang tahanan---walang linyang pinanghahawakan kundi pagiging makatao. Naputol lang ang pisi ng paghanga ni Gloria kay Marcos nang mamatay si Ninoy kasabay ng pasahol nang pasahol na ekonomiya ng bansa, hanggang sa mangyari na nga ang EDSA People Power kung saan buong pamilya rin silang nakisangkot.

At ang huling paghuhunos ay ang pagkakasakit at pagkamatay ni Carlos. Ang paghuhunos na dulot nito ay mababasa na sa sequel ng nobelang ito na pinamagatang "Unang Ulan ng Mayo."