A review by billy_ibarra
Gerilyero: Mga Kuwento ng Pakikibaka by Cesario Y. Torres

adventurous emotional informative inspiring reflective tense medium-paced

5.0

Marami nang kuwento ang naisulat tungkol sa okupasyon ng mga Hapon sa Pilipinas ngunit sa koleksiyong ito, mas nabigyang-tinig silang mga hindi itinuring na mga bayani, ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP o Huk) hanggang sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), sa halip pa nga, itinuring na kalaban ng estado bago pa man maganap hanggang sa matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Naging bahagi si Cesario Y. Torres ng Huk at HMB, hanggang sa mahuli siya noong 1950 at makulong sa loob ng dalawampung taon. Kalakhan ng kuwentong nasa koleksiyong ito ay naisulat niya nang nasa loob siya ng piitan, at ang buhay at pakikibaka ng mga nakasalamuha niyang gerilya ang pinaghanguan niya ng ilan sa mga kuwento.

Sa kuwentong 𝗣𝘂𝗻𝗼 𝗻𝗴 𝗡𝗮𝗿𝗮, isang sakripisyo ang gagawin ng mag-asawang gerilyero upang makatawid sila at ang kanilang mga kasama sa tiyak na kapahamakan. Wala namang masaganang Pasko ang naghihintay sa 𝗣𝗮𝘀𝗸𝗼 𝗻𝗴 𝗚𝗲𝗿𝗶𝗹𝘆𝗮 hangga't hindi pa tunay na malaya ang bayan sa kamay ng mga Hapon. Isang babaeng kumander naman (na buntis pa) ang nasa gitna ng operasyong militar laban sa Hapon ang namamayani sa 𝗔𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗴𝗮𝗺𝗽𝗮𝗻𝗴 𝗞𝘂𝗺𝗮𝗻𝗱𝗲𝗿. Abogado naman ang magtatanggol sa kaniyang sarili sa harap ng tiyak na kamatayan sa 𝗔𝘁𝘁𝗼𝗿𝗻𝗲𝘆 𝗩𝗶𝘁𝗮𝗹. Bata man ay naging bahagi ng pakikibaka ng Huk para sa bayan ang mababasa sa 𝗜𝗯𝗼𝗻. Kuwento naman ang 𝗗𝗲𝘀𝘁𝗶𝗻𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻: 𝗕𝗶𝗸𝗼𝗹 ng tagumpay at kabiguan ng ekpansyon ng armadong pakikibaka ng HMB.

Nabigyan din ng tinig sa koleksiyon ang kuwento ng pakikibaka ang ilan sa mga kilala nating bayani. Pagbibigay-pugay sa Gomburza ang kuwento ng 𝗦𝘂𝗹𝘆𝗮𝗽 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗱𝗮𝗸𝗶𝗹𝗮𝗮𝗻 at halaw naman sa buhay ni Teodoro Asidillo ang 𝗣𝗶𝗻𝗮𝗹𝗶𝗴𝘂𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗗𝘂𝗴𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗹𝗶𝗴 na ayon kay Ka Sario ay isang kabanata ng kaniyang nobelang 𝗦𝗶𝗲𝗿𝗿𝗮 𝗠𝗮𝗱𝗿𝗲, na hindi ko alam kung nailimbag ba o hindi. 

May isa pang kuwento na hindi tuwirang may kinalaman sa pagiging gerilya o pakikibaka ngunit naglalaman ng simbolismo---ang 𝗦𝗶 𝗦𝗼𝗻𝗻𝘆 𝗮𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗻𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗧𝗮𝗿𝗮𝘁. Sa kuwentong ito, maaaring ang tarat ang mga gerilyero na mahuli man at mapatay, mayroon pa ring mga ibon ang na siyang malayang aawit sa kalangitan. Si Sonny naman ay maaaring ituring na manlulupig. 

Napakahalaga ng ambag na ito ni Ka Sario sa panitikan bilang pagkakasaysayan ng mga tinig na hindi napakikinggan mula noon hanggang ngayon. Umiiral pa rin hanggang ngayon ang kawalan ng hustisyang panlipunan kaya palagi pa ring napapanahon ang mga akda ni Ka Sario Torres. Sana hindi nawawala ang ganitong mga akda sa mga aklatan (kahit sa merkado sana) para malaman ng marami na umiiral pa rin ang nilalaman nitong porma ng pakikibaka hanggang ngayon.