A review by billy_ibarra
Retoke at iba pang mga dagli by Eve P. Antonio

emotional funny informative lighthearted reflective sad fast-paced

4.0

Nagpaparetoke ang mga tao dahil may gusto silang baguhin sa kanilang mga itsura o imodipika sa kanilang mga katawan. 'Yun nga lang, kailangan mo ng malaking halaga para magawa ito. Katulad sa pagbabago ng isang lipunan, malaki ang hinihingi sa atin upang magawa ito---mahabang panahon, ibayong sikhay, at walang-pagkapagod na pagbibigay ng sarili. Sa mga dagli ni Ma'am Eve, magsisimula ang Retoke bilang pansariling kagustuhan lamang ngunit habang nagbabasa, nagiging isa na itong pangangailangan, hindi lamang para sa sarili kundi maging para sa bayan. 

Sumasalamin ang kalakhan ng mga dagli ni Ma'am Eve sa buhay ng mga guro at sistema ng edukasyon---dahil ito ang danas niya at ng marami pang guro sa bansa. Sa pinakamabilis na paraan, mahusay niyang natalakay sa isa-dalawang pahina kung paano ba ang maging isang guro sa Pilipinas at kung ano ba ang mga isyung kinahaharap nila.

Sa iba pang mga dagli, makikita ang araw-araw na pamumuhay ng isang babae sa lipunang kaniyang ginagalawan. Minsan nakakatawa ang mga danas dahil sa pagiging lutang sa pampasaherong sasakyan, minsan nama'y may kurot sa puso ang bawat senaryo, minsan may kilig. Litaw rin ang pagiging dog lover ng may-akda. Marami pang mga dagli na nagkukuwento sa iba pang mga usapin na hindi ko na iisa-isahin pa.

Isa pa sa ikinaganda ng aklat, may mabilis na pagkakasaysayan ng pinagmulan ng dagli sa dulo at kung nasaan na ito sa kontemporanyong panitikan. Nagbigay rin ng espasyo ang may-akda na sumulat ka ng sarili mong dagli. May panghihikayat na subukan mong gumawa nito.

Nakasama ko na si Ma'am Eve sa ilang serye ng pakikisalamuha sa mga katutubong Ayta sa Tarlac at masaya ako na isinama niya ang danas niya bilang isang volunteer sa pamamagitan ng isang dagli. Bagama't malungkot ang dagling tinutukoy ko, maaari itong maging pagbabalik-tanaw sa alaala kung paano tayo tinatanggap ng mga katutubo sa kanilang mga tahanan, at gaano man tayo ka-busy sa ating mga sariling buhay, hinding-hindi natin sila nakalilimutan. Nariyan palagi ang kagustuhang bumalik at ang mga tahanang handa tayong tanggapin palagi.

Sa kabuoan, kaabang-abang ang mga ihahain pang dagli ni Ma'am Eve sa darating pang panahon. At sana marami pang katulad niya ang sumulat ng ganitong anyo ng panitikan. Mabilis ngunit walang pagmamadali; ninanamnam ang maikling sandali.