Reviews

56 by Bob Ong

charieabarca's review

Go to review page

3.0

Ang tagal kong hindi nakapagbasa ng Bob Ong book dahil sa prinsipyo ko sa buhay na unahin ang mga international authors. Medyo nakakahiya at nakakapanghinayang. Sana pala binasa ko ito agad noong 2018 nang mai-release sa publiko at nai-rave ko kung gaano ka-kwela at relatable ang libro na ‘to.

Gayunpaman, hindi pa rin naman nagbabago ang istilo ni Bob sa pagsusulat. Isa pa rin siya sa mga kuwentistang hinahangaan ko. Preachy (sa katunayan, ito na yata ang pinaka-preachy na libro niya) at laughtrip parin kaya siguro swak din siya sa mga nasa age group ko.

Bukod sa pagiging preachy, ito na rin malamang ang pinaka-relatable niyang libro dahil halos lahat ng sinabi niya ay napagdaanan ko — mula sa pagiging palamunin, job seeker, pagiging tax payer, at kung anu-anong prosesong dapat mong pagdaanan kapag may silbi ka na sa lipunan — tulad ng napaka-tagal na proseso ng pagkuha ng valid ID.

Kahit nutrition facts na nakalagay sa likod ng karton ng gatas ang isulat ni Bob, malamang babasahin ko pa rin. Interesante ang writing sytle niya para sa akin dahil hindi ito mahirap sabayan. Parang kaibigan at the same time magulang na maraming sermon.

Gusto ko pa rin siyang makilala, pero minsan naiisip kong sapat nang may kaibigan kang nakatira lang sa pahina. Ganito ang pinaramdam saakin ng 56 — parang nakikipag-catch up ka sa lumang kaibigan sa loob ng isang dekadang walang komunikasyon. Isa siya sa mga author na nakakapagpalimot saakin ng kaibahan ng realidad at pagbabasa — nasa ibang dimensyon ako habang binabasa ang 56, at ang nakakalungkot lang ang bilis kong nabasa ang 300 pages nito.

‘Di tulad ng iba niyang libro, may mga bagay akong hindi sinangayunan sa 56. Hindi ko alam kung may kinalaman ang katotohanan na medyo mulat na ako sa mundo o dahil medyo nag-iisip na rin ako. Personal preference siguro.

Pero bakit nga ba 56? Hindi ako kumbinsido sa punch line na may kinalaman sa 7x8. Malakas ang kutob kong ito ang edad ni Bob dahil una sa lahat — tungkol sa yugto ng buhay ang tema ng libro. Pangalawa, ayon sa kanya, hindi pa siya senior citizen (malapit pa lang). Pangatlo — life according to Bob ang synopsis ng libro.

Nag-ooverthink lang yata ako pero masayang may malaman sa buhay ni Bob sa tulong ng 56. Halos isang dekada matapos kong mabasa ang Si (huli niyang libro), nalaman kong may anak na siya, nag-ampon, at ikinasal na.

Marami ka pang dapat talakayin, Bob. ‘Wag ka sanang mapagod mag-kuwento. Bilang ganti, hinding-hindi ako magsasawang magbasa ng akda mo.

theengineerisreading's review

Go to review page

5.0

Preach.

H'wag kang masyadong nega o tamad at simulan mo nang basahin ang pinakabagong libro ni Bob Ong (kahit inabot din ako ng halos isang taon bago nabuklat ang aking kopya,) dahil ang aklat na ito (oo, 56) ang magpapamulat sa 'woke' pero nagbubulag-bulagang mata ng bawat Pilipino (kabilang na ako.)

Masyadong mahaba kung sasabihin ko ang bawat aspeto ng aklat na aking nagustuhan at talaga namang tumatak sa aking isipan. Pero oo, ang aklat na itong may lasang self-help ang literal na tutulong sa ating mga sarili para malaman at matutunan ang mga nangyari, nangyayari, at mga maaari pang mangyari sa buhay mo, sa buhay ko, sa buhay natin.

Ayon sa pabalat ng aklat, ang 56 ay ang librong pangmatanda para sa mga bata o ang official manual ng mga kabataang Pilipino o mga kwentong awkward para sa henerasyong awkward. Hitik ang 56 sa mga kwentong Bob Ong na naglalaman ng mga sanaysay mula sa kanyang buhay, karanasan, obserbasyon, o pananaliksik na talaga namang informative, entertaining, at minsan sa madalas, satirical. 56 ang librong dapat gawing required reading sa high school.

Kahit na kalimitan ay may mga punchline na bigla ka na lang mapapangisi kahit na mag-isa ka lang naman sa kwarto o siksikan kayo sa bus, marami talagang mapupulot na aral sa librong ito. Pinakagusto ko ang social media etiquette at ang epekto ng social media sa henerasyong ito. Swak na swak ang pagkakabato ng bawat pangungusap sa kabanata kaya naman magalit na ang matatamaan ng bato-bato mula sa langit pero legit, napakaraming troll at kahit mga kilalang tao na dumepende sa false dichotomy o ad hominem o sweeping generalization pagdating sa keyboard war.

Napaka-insightful din ng mga payo, paalala, babala, at rekomendasyon ni Bob pagdating sa simpleng crush at mga Pokémon at pagsapit sa legal na gulang hanggang sa pag-aasawa at pagkakaroon ng anak at pagtanda. Magiging nostalgic pihado kapag babasahin ko ito mga dalawang dekada mula ngayon at titingnan kung ano na ang nagbago sa akin at kung may pinakinggan man lang ba ako sa nga parinig ng librong ito.

At syempre, gusto ko rin 'yung matalinong paglalahad ng mga lokal at internasyonal na suliraning kinakaharap ng mundo ngayon. Mula sa di-mahapayang Marcos-Aquino feud at korapsyon sa Pilipinas hanggang sa climate change at plastic usage at territory wars, mapupuno at mag-uumapaw ang iyong utak sa mga impormasyon maaaring ngayon mo lang malaman o ngayong mas naging malinaw. Pero syempre, hindi sapat ang paglalatag lang ng problema kung wala namang inihahaing mungkahi o solusyon. Gustong-gusto ko 'yung mga ganito, 'yung hindi lang basta nagtuturo ng daliri sa kung sino dapat sisihin bagkus bukas palad na iniaabot ang kamay para tumulong sa paglutas ng problema.

RATING: Limang nangangalit na Boy Regla

sikeithpo's review

Go to review page

hopeful informative inspiring medium-paced

4.25

kath_reads's review

Go to review page

funny informative reflective

4.0

More...